AIMEE,
Nakita ko iyong mga litrato mo, ang saya-saya mo. Ngayon lang kita nakitang ganyan kasaya! Parang mas masaya ka pa nga dyan kaysa noong kasama mo ko dito, hehe :D
Kunsabagay, iba naman kasi talaga kapag kasama ang pamilya. Walang pagsidlan ang kaligayahan. Nag-iiwan ito ng pitak sa ating alaala at habambuhay nang nakatimo sa ating puso at isipan. (Parang ang korni ano, pagbigyan mo na lang ha at lulubusin ko pa.) Ito rin ang nakakapagpaalala kung gaano tayo kamahal ng Diyos --- dahil biniyayaan Niya tayo ng pamilyang mapag-aruga at pamilyang laging nakasuporta sa ano mang desisyon natin sa buhay. Hindi ba't sobra-sobrang biyaya na ito?
Ang ganda ng mga kuha nyo sa Sagada. Kitang kita ko na talagang nag-enjoy kayo. Na kahit pagod na sa kakalakad ay walang kapaguran pa rin sa pag-Jumpshot. Kaka-adik tumalon ano? Kasi kapag tumalon kayo, parang iyon na 'yong kabuuan ng iyong nadarama. Maligaya, masaya, pagod, 'di mapakali. Basta, hindi maipaliwanag. Kaya nga't daanin na lang sa pagtalon.
Binabati ko nga pala kayo sa pagtapos nyo ng Cave Connection. Alam ko namang kaya nyo 'yon. Walang pagdududa. Kaso nga lang, bakit parang wala kayong masyadong litrato sa loob. Sayang naman kung ganoon, kasi maganda ang mga rock formations sa loob. Maganda sanang alaala. Na minsan, kinalimutan nyo ang lahat ng inhibisyon at kaartehan sa buhay, para lamang makalabas sa kabilang bunganga ng kuweba!
Nakita ko rin 'yung litrato mo sa bahay kubo natin sa Batangas. Ang saya ninyo doon. Parang bayanihan ang dating. At ang sipag mo ha. Kunsabagay, paborito mo talaga ang maglinis. Sana ganoon rin tayo kapag tayong dalawa naman ang magtatayo ng sarili nating bahay. Kaso paano iyon? Hindi ba't condo ang gusto natin? A, ako lang pala ang may gusto. Basta, pag-usapan na lang natin ulit pagbalik mo.
Nakipaglaro ka rin pala kay Chloei. Mabait siya ano? Kaso isa lang talaga ang alam niyang laro --- ngatngatan :D Pero may mga bago syang tricks na alam hindi ba? Hay, ang laki na niya. Sana kilala niya pa rin ako pagbalik ko.
Sina Nanay at Tatay, kumusta pala? Siguradong tuwang-tuwa sila na bumalik muli ang kanilang pinakamamahal na anak. Sigurado ring babawi ka sa mga luto ni Tatay. Kahit ako rin naaalala ko rin mga luto ni Tatay. Masarap kasi talaga, na parang may ibang linamanam. Sigurado ring andaming kwento ni Nanay sa iyo. Atlis ngayon, pwede nya nang antayin ang sagot mo :D
Si Ataleng? Ang galing! Tapos na kayong lahat. Ang sarap nga pakiramdam ano. Ganyan din ang nadama ko noong nakatapos si Giliw. Ika nga, "Proud na Proud." O, sabihin mo sa kanya na hinay-hinay lang ha. Huwag magmadali. Dahil mayroon talaga Siyang magandang plano para sa kanya.
Naku malapit ka na ulit bumalik dito. Eksaktong isang linggo na lang. Dapat ay baunin mo lahat ng magagandang alala ng iyong bakasyon dyan. Halos isang taon ka muling lilisan para tuparin ang mga pangarap mo sa buhay. Maghanda ka na ha. Kasi pagbalik mo dito ay sasabak ka na naman sa walang humpay na trabaho. Stress. Mga ka-Pana-an. Bawal magsick-leave. Kailangan magstay-back. Laba. Luto. Grocery. Paulit-ulit. Parang sirang plaka.
Pero huwag ka mag-alala, nandito naman ako. Katulong mo ako sa kahit anong bagay na bumabagabag sa iyo. Sabihin mo lang sa akin. Basta't kaya ko ay gagawin ko. Kung hindi ko naman kaya ay kakayanin pa rin. Para sa iyo. Para sa atin.
Salamat po. Pakiramdam ko, mas lalo akong naging mabuting tao dahil sa iyo. Wala nang iwanan ha. At kahit pa sa susunod na bakasyon, kailangan, magkasama na tayo!
Lubos na nanabik sa iyo at hanap-hanap ka, McRICH
P.S. (Pahabol Sinta) ... pagkakataon ko nang bumawi, haha, huwag kalimutan ang aking mga padala pagbalik mo dito. I-email ko na sina Ma para sa mga kailangan ko, hehe :D