Showing posts with label Hundred Islands. Show all posts
Showing posts with label Hundred Islands. Show all posts

Friday, October 12, 2012

LAKBAY ng BUHAY

Welcome ETHAN RICH sa LAKBAY ng BUHAY!




Ito ang mga bugtong ng higit pitong libo’t isandaang kariktan;
Likha ng pagal na katawan-lupang tigang.
Ito ang tula ng pagkamangha, pasasalamat at pagdakila;
Sa Inang likas ang lakas sa pagkalinga.
Ito ang panaghoy ng pagsusumamo sa parating na bukas;
At sa tunay na paglalakbay na kung tawagin ay buhay.

Bulkang may perpektong kono, handang lumaban sa Fuji ng Japan.
Hinulmang hagdan patungo sa kalangitan, isa palang palayan.
Burol na berde, minsan’y tsokolate, lalaruin ang iyong kukote.
Dagat ng ika-siyam na glorya, iwawasiwas pati kaluluwa.
Pinakamaliit na bulkan sa buong mundo, kung bumuga ay todo-todo.
Ilog sa loob ng kwebang nakakakaba, isama na sa iyong lamyerda.
Islang puting-puti, paborito ng mga Puti.
Ilabas ang talino at pagkatuso, gawin lahat para manalo.
Sa pusod ng dagat puntahan si Neptuno, sertipikado ito ng UNESCO;
Sandaang pulo, sandaang paghayo, sandaang saya, gusto mong sumama?

Bulkang Mayon,
Banaue Rice Terraces,
Chocolate Hills ng Bohol,
Cloud 9 ng Siargao,
Bulkang Taal,
Palawan Subterranean River,
Isla ng Boracay,
Survivors sa Isla ng Caramoan,
Tubbataha Reef, at Hundred Islands:
Ano na sa kanila ang iyong napuntahan?

Isa palang masigabong palakpakan, sa pasaheng piso sa paliparan;
Bawat Juan lipad na ng lipad, sa presyong 'di huwad.
Mga kabataan din’y naiwawaksi, sa masamang bisyo at yosi;
Kasi’y mas hilig nang mag-ekskarsyon, kaysa katawan nila’y malason.
Mas maigi kayang lumibot-libot, tanggalin ang lambong na nakasapot;
Kilalaning maigi ang sarili, bago sa ibang bayan’y mawili;
Nang sa gayon’y maging ganap, iyong pagkataong hinahanap.
Sa Pinas ka rin humugot ng lakas, sa pagdambana ng yamang-likas;
Dahil mapa-lugar, mapa-hayop, mapa-tao o talento:
Siguradong areglado, mapapataas ang iyong noo.

Kung dumating naman ang panahong salapi mo’y limpak-limpak na,
At kaya mo na ring bumili ng maleta;
Kung gusto mong lumibot sa Amerika, o kaya’y magpatianod sa dagat ng Australya;
O kung kailangan mong mangibang-bayan, magtatrabaho sa Gitnang Silangan;
Aba’y ‘wag kalimutang dalhin-pabalik, mga bagong karunungang hitik.
Ano naman kasing mangyayari sa mga maiiwan, kung bawat Pinoy ay lilisan?
Anong maghihintay sa ating mga anak, kung bansa natin’y lalagapak?
Kaya hiling ko sa bawat mong paglalakbay, hawakan mo ang aming kamay.
Sabay-sabay tayong umagapay, isaayos ang ating buhay.
Kaya mga Noypi ngayon na, ‘wag nang ipagpabukas pa!

Ito ang taludturang may kalakip na panalangin para sa Perlas ng Silangan;
Ihanay muli ang ningning ng iyong kariktan sa tamang kinalalagyan.
Ito ang dagundong ng nag-aalab na damdamin para sa kinabukasan;
Dala ang kasagutan, at ang tamang kaparaanan:
Magbalik-loob sa Diyos, magbalik-loob sa Kalikasan;
Balikan ang kinang ng ating nakaraan!


* * *  Ito ang aking Lahok sa Kategoryang TULA ng 4th SARANGGOLA BLOG AWARDS  * * * 






Friday, November 4, 2011

100 Islands

Nagpunta kami ng Pangasinan para sa blessing ng hacienda (bahay) ng Pamilya Zaragoza.  Ito ang aming monicker sa pamilyang Ferran dahil isa silang success story.

Sina tito Jay and tita Perl ay may maliit na tailoring shop sa Mendoza Street sa Makati.  At mula sa kanilang sipag at tyaga ay nagawa nilang papagtapusin ang kanilang 3 bagets sa kursong Engineering: sina Ate Nette, Jason and Joel.

Magpahanggang ngayon ay hindi ko nga mapagtagni-tagni kung pano nagawa ng mag-asawang Ferran na papagtapusin ang kanilang mga anak lalo pa na lahat sila ay nag-aral sa Mapua.  Tuition pa lang pamatay na, e pano pa ang pang-araw-araw na pangbaon saka mga extra gastos sa school gimik/gala projects?   

Sabagay, bibong-bibo rin naman kasi ang tatlong magkakapatid.  Lahat sila naging scholar, at naging masigasig naman talaga sila sa pagbubulakbol pag-aaral.

Siguro, sa pagtutulong-tulong na rin nilang lahat.  At siguro, dahil likas naman talaga silang mababait. 

Kaya naman, super blessed sila ngayon!

Naaalala ko tuloy na parang naging 2nd home ko na ang bahay nila.  Pagkagaling sa bilyaran school, usually ay derecho na kami kina Jason.  Maghahalungkat ng kung anong pwedeng ngasabin sa ref o kaya ay magluluto na lang ng pamatay na Lucky Me pancit canton at maglalaga ng itlog.

Biruin mo, kung sa isang linggo ay ganito ang routine namin, at pagpalagay na lang na 3 times a week e andon ako, di ba ang laking pabigat na para silang carinderiang bukas para sa lahat ng gustong kumain?  Tapos may kaibigan din syempe sina Te Nette pati si Joel.  Tapos may iba pa ring kaibigan si Jason bukod sa akin.  Just imagine that. 

Pero ni isang beses ay hindi ko nabalitaang naghikahos o nangutang o nagbenta ng laman dumaing man lang ang mag-asawang Jay & Perl.  In fact, e ang sasarap nga lagi ng ulam nila (kaya kami laging andon hehe). 

Eto pa: nangungupahan lang sila sa bahay nila sa Makati!

Hindi kaya front lang nina tito Jay and tita Perl ang tailoring shop nila?  At sa ilalim ng shop nila e meron pala silang drug lab?  At ang rason kung bakit nakapagpatayo sila ng bahay sa Aguilar, Pangasinan ay dahil mga drug lord sila?

Hehe joke lang.  Iba lang talaga ang mag-asawang ito.  Dahil sila ay maabilidad, masinop, masipag, mapag-aruga at higit sa lahat, a couple with a BIG heart!

Idol ko nga sila e.  And when I grow up, I want to be like them.

Pero hindi naman pwedeng andon lang kami sa hacienda nila di ba?  Ang lagay ganon na lang yon?  Sayang naman ang pamasahe. 

Hindi nila alam, may maitim talaga kaming balak at ginamit lang namin ang bahay nila para manginain at magkaroon ng ibabaon sa aming tunay na destination: 

ang 100 ISLANDS!

Nagbayad kami ng extra para dalhin kami sa island na hindi malimit puntahan ng mga bakasyonista at hindi part ng usual island hopping package. 

Sabi nung bangkero, dito raw shinooting yung telepantasya ni Claudine na Marina.






Eto naman ang mga pasaway at palakanton na mga kaibigan nina te Nette at Jason.  Actually, payat kami lahat dati.  Sa kakatambay sa kanila, nagsitabaan na kami lahat.


Meng, Lai, Jason, Mike, Che & McRICH 
Natakot ako dito kasi sobrang lalim.
Kita naman sa mukha ko hehe.
High tide na kasi sa jump-off point ng snorkeling area.


Kelan kaya ang reunion trip namin?  Na-emo lang ako bigla.


Friday, March 13, 2009

MISS




Miss ko na yung luto ni Ma sa umaga.  Yung tipong paggising ko, handa na lahat at kulang na lang e subuan ako para lang kumain.  E dahil sa layo ng trabaho ko mula Pque at kailangang makaalis na ako agad dahil sa traffic, ang ending e baon na lang at sa office na lang mgbfast.

Miss ko na ang itlog at tocino.  Ang mainit na pandesal with meyoneys.  Ang sinangag.  Ang Enervon HP ko!

Miss ko na ang traffic.  Ang daang Fort going C5.  N-rerelax ako pag doon ako dumadaan.  Lalo na yung circle sa American Cemetery.  Parang napaka-peaceful, haha :D 

Miss ko na yung nagmamadali lalo na pag coding.  Tapos magtatago ako sa mga big cars para hindi ako mahuli ng MMDA.  Alala ko tuloy nung birthday ko last year na natapat sa coding day ko.  Bago pa man, naghanda na ako ng litanya kung sakali mang matyambahan ni Manong MMDA.  Sabihin ko na bday ko at kailangan lang talagang pumasok.  Ayun, nagkatotoo ang hinala ko at hindi ako pinalampas ni Manong.  Alang bday-bday!  So inisip ko na lang, treat ko na lang yung nakotong nya sa akin hahahaha :D

Miss ko na ang mga pamatay na kainan sa UP.  Ang isawan.  Ang beach house.  Choco Kiss.  Pati na rin si Mamang Sorbetero.

Miss ko na ang Pirated at Videocity DVD Marathon.  Tapos yung mga junk foods na binibili ko.  Taquitos, Mr. Chips, Nova, V-Cut, Chippy.  Tapos meyoneys ulit.  Tapos magkulong na ko sa kwarto hanggang sa sumakit ang ulo ko kakanood.  At alam na ang kasunod na bawal akong istorbohin.

Miss ko na ang kulitan naming magkakapatid at pamilya.  Si Pa na puro ngiti lang sabay labas ng bahay.  Si Ma at Ate na korni ang mga jokes.  Si Leng na kabatuhan ko naman.  Tapos tawanang walang humpay!

Miss ko na ang ever energetic kong Ate na pagdating sa bahay e matutulog na agad.  Ang linya nyang We Got it All for You kapag inaasar namin sya tuwing may pasok siya kahit na buong bansa ay idineklara nang wala ng pasok.  Ang libre nya sa amin dahil truly blessed ang kapatid kong ito.  Ang sama-sama naming gala para magpa-foot spa, gupit, kain o shopping lang.  Tapos yung kwento nyang super-huli at aasarin namin syang ulit na luma na yung binabanat nya.  Tapos tawanan na nman kami lahat.

Miss ko na kaagaw si Leng sa lappy.  O kaya yung midnight snacks namin.  Yung favorite naming White Cheese ng Brooklyn o kaya Manhattan Meatlovers ng Yellow Cab.  O kaya yung magluto si Leng ng tortang itlog tapos ipalaman namin sa tinapay.  Isa sa akin, 2 sa kanya :D

Miss ko na dumaan sa canteen nina Nanay.  Tapos papakainin nya ko ng sangkatutak.  Syempre ako naman as a future son in law e uubusin ang lahat ng inihain sa akin.  Ending, bundat.  Tapos magkwentuhan kami ng kung anu-ano.  Si Tay magkwento rin sya sa akin.  Sabi nila tahimik lang daw si Tay.  Pero ewan ko ba't di ko maramdaman.  Magandang senyales ba ito? hehe (",) 

Miss ko na manood ng sine mag-isa o kaya maghanap ng sale items sa SM Bicutan.  Mga favorite shops kong Solo at Artwork.  Di talaga ako bumibili kung hindi 50% off o kaya e sobrang gusto ko talaga.  Tapos pag napagod e kain naman sa Mcdo, French Baker, Kiosks sa Hypermart, Ted's La Paz Batchoy.  Yung Pearl cooler na Chinese --- limot ko ang name.  Basta favorite ko yung Super Taro nila!  

Miss ko na yung buwanang foot spa sa Reyes Haircutters  (ang mura, P200 lang), magpa-massage sa Humanessence sa West Triangle, magpa-Let's Face It at pagupit o pakulay sa Fix.  Tapos gala-gala minsan para magpalipas ng traffic sa EDSA.

Miss ko na ang comfort food ng Better Living.  Tal's, Eton's, Sinangag Express, Bastille's, Jollibee, Brooklyn, Bibingkinitan, Segie's, Coupe, Chowking, Pan de Manila.

Miss ko na ang murang gym malapit sa amin.  P40 lang + 5 para sa tubig.  Yung manual na paglalagay ng mga bakal.  Pero the best talaga tong gym na to dahil malapit lang talaga sa amin at okay naman ang mga nagbubuhat dahil halos kilala ko naman lahat.  Yung manonood kami ng Animal Planet habang nagpapahinga after every routine.  Yung mga casual talks para makapagpahinga pa rin.  At yung halos di ka na makagalaw pag marami ang nagbubuhat.

Miss ko na yung church namin at mga preachings nina Pastor at Pastora.  Pati yung mga kanta ng P&W.  Galing pala talaga nila at talented.  Yung cellgroup ko with Docs Bong and Celli, Memer at Greg.  Yung kwentuhan namin, sharing at prayers.  Pati na yung minsanan naming labas.

Miss ko na ang mga automatic friends, cream of the crop friends, college friends, Culdesac friends, VK friends, TMMC friends, MIT friends, RFM friends, PG friends.  Dami ko palang kaibigan.

Miss ko na ang TF.  Ang galing kasi.  Yung pagtalon-talon, yung kainan, yung languyan, piktyuran, serfingan, trekingan, walang artehan, PAITIMAN. Eto ang tunay na sagot sa kahirapan!

Miss ko na si Chloei.  Yung paggising nya sa akin pag iihi or pupupu especially sa umaga.  Kakagatin nya yung paa ko tapos papalabasin ko sa kwarto.  Si Ma naman papapasukin ulit dahil umiiyak daw.  ang sarap kasi makipaglaro kay Chloei.  Kahit na puro kagatan lang ang gusto nyang laro.  Yung bi-weekly check up kay Doc kahit madugo ang bayaran pagtapos.  Okay lang Chloei basta healthy ka.

Miss ko na ang Pilipinas. 

Pero sana MISS nya rin ako.