Ito ang mga bugtong ng higit pitong libo’t isandaang kariktan;
Likha ng pagal na katawan-lupang tigang.
Likha ng pagal na katawan-lupang tigang.
Ito ang tula ng pagkamangha, pasasalamat at pagdakila;
Sa Inang likas ang lakas sa pagkalinga.
Ito ang panaghoy ng pagsusumamo sa parating na bukas;
At sa tunay na paglalakbay na kung tawagin ay buhay.
Bulkang may perpektong kono, handang lumaban sa Fuji ng Japan.
Hinulmang hagdan patungo sa kalangitan, isa palang palayan.
Burol na berde, minsan’y tsokolate, lalaruin ang iyong kukote.
Dagat ng ika-siyam na glorya, iwawasiwas pati kaluluwa.
Pinakamaliit na bulkan sa buong mundo, kung bumuga ay todo-todo.
Ilog sa loob ng kwebang nakakakaba, isama na sa iyong lamyerda.
Islang puting-puti, paborito ng mga Puti.
Ilabas ang talino at pagkatuso, gawin lahat para manalo.
Sa pusod ng dagat puntahan si Neptuno, sertipikado ito ng UNESCO;
Sandaang pulo, sandaang paghayo, sandaang saya, gusto mong sumama?
Bulkang Mayon,
Banaue Rice Terraces,
Chocolate Hills ng Bohol,
Cloud 9 ng Siargao,
Bulkang Taal,
Palawan Subterranean River,
Isla ng Boracay,
Survivors sa Isla ng Caramoan,
Tubbataha Reef, at Hundred Islands:
Ano na sa kanila ang iyong napuntahan?
Isa palang masigabong palakpakan, sa pasaheng piso sa paliparan;
Bawat Juan lipad na ng lipad, sa presyong 'di huwad.
Mga kabataan din’y naiwawaksi, sa masamang bisyo at yosi;
Kasi’y mas hilig nang mag-ekskarsyon, kaysa katawan nila’y malason.
Mas maigi kayang lumibot-libot, tanggalin ang lambong na nakasapot;
Kilalaning maigi ang sarili, bago sa ibang bayan’y mawili;
Nang sa gayon’y maging ganap, iyong pagkataong hinahanap.
Sa Pinas ka rin humugot ng lakas, sa pagdambana ng yamang-likas;
Dahil mapa-lugar, mapa-hayop, mapa-tao o talento:
Siguradong areglado, mapapataas ang iyong noo.
Kung dumating naman ang panahong salapi mo’y limpak-limpak na,
At kaya mo na ring bumili ng maleta;
Kung gusto mong lumibot sa Amerika, o kaya’y magpatianod sa dagat ng Australya;
O kung kailangan mong mangibang-bayan, magtatrabaho sa Gitnang Silangan;
Aba’y ‘wag kalimutang dalhin-pabalik, mga bagong karunungang hitik.
Ano naman kasing mangyayari sa mga maiiwan, kung bawat Pinoy ay lilisan?
Anong maghihintay sa ating mga anak, kung bansa natin’y lalagapak?
Kaya hiling ko sa bawat mong paglalakbay, hawakan mo ang aming kamay.
Sabay-sabay tayong umagapay, isaayos ang ating buhay.
Kaya mga Noypi ngayon na, ‘wag nang ipagpabukas pa!
Ito ang taludturang may kalakip na panalangin para sa Perlas ng Silangan;
Ihanay muli ang ningning ng iyong kariktan sa tamang kinalalagyan.
Ito ang dagundong ng nag-aalab na damdamin para sa kinabukasan;
Dala ang kasagutan, at ang tamang kaparaanan:
Magbalik-loob sa Diyos, magbalik-loob sa Kalikasan;
Balikan ang kinang ng ating nakaraan!
* * * Ito ang aking Lahok sa Kategoryang TULA ng 4th SARANGGOLA BLOG AWARDS * * *
