Saturday, September 17, 2011

WAGI!


Nakakatuwa. 
Napapangiti na lang ako sa tuwing may babati sa aking kakilala at pumupuri sa mga ginagawa kong blogs.  Nakakataba rin ng puso lalo na kapag nakakatanggap ako ng mga komento mula sa mga hindi ko talaga kakilala.  Dahil mayroon na palang ibang nagbibigay-panahon para magbasa maliban sa aking pamilya o mga kamag-anak!   

Naaalala ko pa noong pinadala ako ng school namin para sa isang Sanaysay Writing Contest sa Nayong Pilipino.  Ang topic, si Jose Rizal.  Memorable kasi hindi ako nanalo.  Kahit ‘yung pambato talaga ng school namin e umuwi ring luhaan.  Ang tangi lang consolation: libreng tinapay at softdrinks na bigay ng teacher namin, at saka, Certificate of Participation. 

Sa ngayon, alam kong hindi pa rin pagsulat ang aking cup of tea.  Aminado akong I am not good with words pa rin at hindi ako katulad ng iba na natapilok lang e nakagawa na agad ng obra-maestrang blog mula sa pagkatapilok nya.  Sila talaga, sa palagay ko, ang mga mababangis.    

Nagsimula lang naman talaga ‘to noong nagkaanak ako. 

Wala kasi ako talagang masasabihan ng mga niloloob ko tungkol sa pagsisimula ng bagong yugto sa buhay ko.  Tapos nami-miss ko ang Caleb namin.  Alangan namang sabihin ko sa Misis ko.  E ‘di dalawa pa kaming nagngawaan. 

Marami rin kasi akong iniisip, mga plano ba, saloobin.  First time daddy, syempre wala pa akong experience.  Tapos, malayo pa sa mga kaedarang nagsisimula sa pagpapamilya.  Wala talaga akong matatanungan.  Effort naman kung mag-overseas call pa ‘ko lagi o kaya magPM-PM sa mga kakosang daddies.  Alam ko naman, lahat busy.  Kahit dito.  Kahit mayroong mangingilan-ngilang kumpadreng maaaring maka-bonding e hindi ko pa rin magawang mang-abala.  Syempre, busy din sila.     

Gusto ko rin sanang i-chronicle para doon sa mga katulad kong newbie sa daddyhood.  Alam ko kasi hindi madali. 

Saka ang ultimate consolation sana e kung dumating ang araw at mabasa mismo ng aming anak ang aming pinagdaanan, bilang pamilya, habang sya ay lumalaki.  Again, hindi kasi talaga ganoon kadali.  Pero ang mga natututunan namin sa ngayon, ang sa palagay ko, ang magpapatatag pa lalo ng pundasyon ng aming pamilya para sa napakahaba pang panahong pagsasamahan namin.   

Kung natalo man ako DATI sa Nayong Pilipino, alam kong PANALO na ako NGAYON sa Laro ng Buhay. 
Ang mahalaga kasi e ang laging PAGBANGON, at gamitin ang bawat natututunan, sa pagharap ng NGAYON. 

No comments:

Post a Comment

Alam mo bang ang KOMENTO mo ang POWER ko?