Monday, October 29, 2012

JAPAN

MALUNGKOT ANG NOON

Homesick pero Trabaho pa rin!


ISANG NAPAKALAKING KALBARYO PARA SA ISANG OVERSEAS FILIPINO WORKER (OFW) ANG MA-HOMESICK.

‘Yung wala kang ganang kumain, laging nakatingin sa kawalan, hindi maipinta ang mukha sa kalungkutan, madaling magalit na parang menopausal, at impit na lumuluha bago matulog sa gabi. 

'Yung pinipilit mong maging buo, kahit alam mo sarili mo na kahit anong gawin mo, mayroon at mayroon pa ring kulang.


IDAGDAG PA ANG 'DI MAPABILIS NA SNAIL MAIL.

'Yung homesick ka na nga pero antagal pang dumating ng sulat na ipinangako ng iyong minamahal.  Na pagdating naman ng sulat ay kupi-kupi ang litratong kalakip nito dahil hindi maayos ang pagbibitbit ni Mamang Kartero.  

'Yung umuusal ka ng munting panalangin na sana, kasya ka sa sobre.  


ANDAMI MONG KWENTO PERO ANG MAHAL NG OVERSEAS CALL.

Pwede namang magtiyaga sa snail mail, at lalong pwede mag-voice tape, para sulit ang kwentuhan.  Pero iba pa rin talaga 'pag narinig mo ang mga boses ng iyong mga minamahal.  Parang may ibang klaseng enerhiyang nagtutulak sa 'yo na magpatuloy sa hamon ng pangingibang bansa. 

Dahil alam mong kailangan mong magpakatatag.  Para sa iyo.  At lalong higit, para sa kanila. 


ANO ANG GAGAWIN MO GAYONG SA SIMULA PA LANG
AY ALAM MO NANG KASAMA ANG MGA ITO
SA KONTRATANG PINIRMAHAN MO? 



MASAYA ANG NGAYON

RACHEL in QATAR

One day habang busyng-busy ako kaka-MULTIPLY, bigla na lang bumalandra ang bagong photo post ng aking kapatid na si Rachel.  Syempre pagkakita ko, aligaga kong binuksan ang album.  Then BOOM.  Ayun sya.  Nagpaparamdam kasama ang isang boylet.  Parang mwinemuestra nyang: ang haba ng hair ko, ang ganda-ganda ko, pak na pak! 
Gumana naman ang pagka-panganay ko.  Kung anu-anong eksena ang tumakbo sa isip ko. 
Gayahin ko kaya ‘yung napanood ko sa telenovela?  Ay ‘wag.  Mahal masyado ang special effects. Pasabog.  Bakit anong meron?  New Year? 
Kung saktan ko kaya 'yung boylet?  Ay 'wag din, hindi naman ako action star.  Saka sayang naman ang face value ko kapag nagkasakitan kami.  Isang kutsarita na nga lang mababawasan pa.  Hindi rin pwede ‘to. 
Habang patuloy akong nagba-browse, napagtanto kong magpasalamat na lang kay Lord.  Andami kayang naglalakad ng paluhod sa Baclaran para lang magkaroon ng dyowa.  Andami kayang girlet na nag-i-invest sa pasa-load, hoping that someday, ang kanyang ''load scholar" ang maging future boylet nya for life.
E ‘eto, ang isang boylet na nasa picture, mukhang disente naman.  Mukha namang mabait.  Saka sweet-sweetan pa lang naman.  Mamadali?  Besides, andon sila sa Qatar.  Ano bang pinagsisintimyento ko e choice nila ‘yon. 

Kaya respect lang.  Support lang.  Let’s hope and pray na sila na nga ang nakatadhana.  At kung sya na nga ang natatanging boylet para sa ating girlet, e ‘di go forth and MULTIPLY!         




ROSE in SAUDI ARABIA

Salamat talaga kay Lord dahil I am strong and healthy at wala akong sakit sa puso.  Kasi naman, hindi nagpatalo ang bunso naming si Rose.  Mayroon ding naglalanding bubuyog na lilipad-lipad sa bubot nyang talulot. 
Anong ginawa ko?  Syempre kalma lang.  Alam ko na ang gagawin ko this time.  Tutal nasa tamang edad na naman sya.  She can very well decide for herself already.   The best thing na magagawa ko ay magbigay ng payo at paalala.  Kahit sa YAHOO MESSENGER (YM) lang.
Kada YM namin, mahihiya si Ate Charo sa sandamakmak na unsolicited advice na binibigay ko.  I should know better dahil nag-Saudi Arabia rin kaya ako.  
Mag-ipon.  ‘Wag bili ng bili ng gamit especially ng mga gadgets.  Mabilis magdepreciate ang value nyan.  ‘Wag magpapatuyo ng pawis.  Maging magalang.  Gamitin ang po at opo tulad ni Ate Guy.  Don't talk to strangers at 'wag tatanggapin kung may binibigay s'yang candy sa iyo.  Ihiwalay ang puti sa de-color tuwing maglalaba.  At laging mag-JAPAN (Just Always Pray At Night).    
Kung sinunod man nya o hindi ang mga paalala ko, e nasa kanya na 'yon.  Ang imporante, hindi ako nagkulang sa pagsubaybay sa kanya kahit malayo kami sa isa’t isa.  Ang mahalaga, hindi ako nagkulang mag-YM.



ITAY in RUSSIA

Si Itay naman, fetus pa lang yata kami ay naglalayag na.  Kaya kung kukwentahin mo, siguro ay umabot na sa hundred trillion dollars and twenty three cents ang nagastos nya kaka-oveseas call.  So I think it was a big relief for Itay when Mark Zuckerberg started FACEBOOK (FB). 
Ang cute lang ni Itay, marunong nang mag-LIKE.  Nagko-comment na rin sa mga photos.  At pa-PM-PM na.
Wala nang problema sa communication (lalo na kapag rumarampa sila sa mga alon at palipat-lipat ng bansa).  No need na sa pagbili ng sim card sa bawat port na dinadaungan.  Maidaragdag pa sa buwanang remittance ang perang nasinop sa pag-i-FB. 
Kaya sa ngayon, sobrang pasalamat kami dahil we feel so connected than ever.  Bonus pa na nakikita namin agad, sa isang iglap, ang mga bansang pinupuntahan nya.  Pakiramdam tuloy namin, parang andon rin lang kami.  Kasama siya. 


MARAMING SALAMAT SOCIAL MEDIA! 
DAHIL NAPASAYA MO ANG AMING PAMILYA;
KAHIT SAAN-SAAN MAN KAMI NAPUNTA.



PINAGPALA ANG BUKAS

CALEB's Daily ABC via YOUTUBE



PAGKATAPOS KONG BALIKAN ANG MGA MASASAYANG EKSENA NINA RACHEL, ROSE AT ITAY, NAPATANONG AKO SA AKING SARILI: MAHO-HOMESICK RIN KAYA SINA CALEB AT ETHAN NAMIN?  MAG-O-OFW DIN KAYA SILA?  ANO KAYANG MGA PANIBAGONG ANEKDOTA ANG MADARAGDAG SA KABAN NG AMING MGA ALAALA?  

Bakit hindi?  Kakaibang karakter kaya ang naiaambag ng pagiging isang OFW sa pagkatao ng ibig mangibang-bayan.  Na kahit ano pa ang mangyari sa hinaharap, kakayanin mo na ang lahat.  Dahil tataglayin mo ang natatanging BERTUD ng isang Bayani ng Bayan (LUHA, PAWIS at PANANALIG SA POONG MAYKAPAL) na susupil sa pinakamabagsik na kalaban sa ating kasaysayan --- ang KAHIRAPAN.

Saka sa Pilipinas, parang past time na rin lang ang pagiging OFW.  Parang tagline ng Department of Tourism.  OFW-ing:  IT'S MORE FUN IN THE PHILIPPINES! 



ANO KAYA ANG MANGYAYARI SA YOUTUBE, FACEBOOK, TWITTER, SKYPE at iba pang SOCIAL MEDIA sites? 

Sa palagay ko, SOCIAL MEDIA will be MORE SOSYAL in the future. 

Tulad ng Friendster, Multiply at Yahoo Messenger, malalaos din ang Facebook at Twitter.  Mapapalitan ito ng mga Social Media sites na mag-o-offer ng holographic effects sa chatting para mas personal ang experience. 

Sobrang magiging advance ang teknolohiya na kahit anong kagamitang gumagamit ng kuryente ay pwede nang i-konek sa internet.  Ito ay dahil pa rin sa masidhing pangangailangang kumonek at makipagsosyalan kahit saan, kahit anong oras at sa kahit na anong kaparaanan.      

At kahit na matindi ang advancements na magaganap sa Social Media, ito'y magiging mas accessible at mas affordable dahil dadami ang Free WI-FI stations.  Ito rin ay magiging staple amenity ng ating mga jeepney, tricycle at pedicab .  In short, ang buong Pilipinas ay magkakaroon ng Free WI-FI yey.



    



Kung mangyari man o hindi ang mga prediksyon ko, isa lang naman ang nais kong ipahatid.  That we must USE SOCIAL MEDIA FOR SOCIAL GOOD.  Dahil kahit ano pa man ang mangyaring kakaiba sa Social Media, ito pa rin ang embodiment ng kasabihang No Man is an Island.  Ito ay ginawa pa rin para magkaroon ng World Peace

Kaya kung dumating ang panahong mangati ang daliri mo para magpalaganap ng nega vibes sa cyberspace.  O wala ka nang maisulat kundi mga hinagpis mo sa buhay.  Pwede bang tumigil ka muna?  Mag-inhale-exhale.  Bumili ng banana que at samalamig sa kanto. Baka hindi na kasi Social Media ang kailangan mo?  Try mo kayang magka-Social Life?


Maikli lang kasi ang buhay.  Oo, Life is Short. 
But LIFE IS NEVER TOO SHORT TO MAKE A DIFFERENCE. 
Kahit sa SOCIAL MEDIA man lang.



*** This is my OFFICIAL ENTRY as OFW SUPPORTER

 

Friday, October 12, 2012

LAKBAY ng BUHAY

Welcome ETHAN RICH sa LAKBAY ng BUHAY!




Ito ang mga bugtong ng higit pitong libo’t isandaang kariktan;
Likha ng pagal na katawan-lupang tigang.
Ito ang tula ng pagkamangha, pasasalamat at pagdakila;
Sa Inang likas ang lakas sa pagkalinga.
Ito ang panaghoy ng pagsusumamo sa parating na bukas;
At sa tunay na paglalakbay na kung tawagin ay buhay.

Bulkang may perpektong kono, handang lumaban sa Fuji ng Japan.
Hinulmang hagdan patungo sa kalangitan, isa palang palayan.
Burol na berde, minsan’y tsokolate, lalaruin ang iyong kukote.
Dagat ng ika-siyam na glorya, iwawasiwas pati kaluluwa.
Pinakamaliit na bulkan sa buong mundo, kung bumuga ay todo-todo.
Ilog sa loob ng kwebang nakakakaba, isama na sa iyong lamyerda.
Islang puting-puti, paborito ng mga Puti.
Ilabas ang talino at pagkatuso, gawin lahat para manalo.
Sa pusod ng dagat puntahan si Neptuno, sertipikado ito ng UNESCO;
Sandaang pulo, sandaang paghayo, sandaang saya, gusto mong sumama?

Bulkang Mayon,
Banaue Rice Terraces,
Chocolate Hills ng Bohol,
Cloud 9 ng Siargao,
Bulkang Taal,
Palawan Subterranean River,
Isla ng Boracay,
Survivors sa Isla ng Caramoan,
Tubbataha Reef, at Hundred Islands:
Ano na sa kanila ang iyong napuntahan?

Isa palang masigabong palakpakan, sa pasaheng piso sa paliparan;
Bawat Juan lipad na ng lipad, sa presyong 'di huwad.
Mga kabataan din’y naiwawaksi, sa masamang bisyo at yosi;
Kasi’y mas hilig nang mag-ekskarsyon, kaysa katawan nila’y malason.
Mas maigi kayang lumibot-libot, tanggalin ang lambong na nakasapot;
Kilalaning maigi ang sarili, bago sa ibang bayan’y mawili;
Nang sa gayon’y maging ganap, iyong pagkataong hinahanap.
Sa Pinas ka rin humugot ng lakas, sa pagdambana ng yamang-likas;
Dahil mapa-lugar, mapa-hayop, mapa-tao o talento:
Siguradong areglado, mapapataas ang iyong noo.

Kung dumating naman ang panahong salapi mo’y limpak-limpak na,
At kaya mo na ring bumili ng maleta;
Kung gusto mong lumibot sa Amerika, o kaya’y magpatianod sa dagat ng Australya;
O kung kailangan mong mangibang-bayan, magtatrabaho sa Gitnang Silangan;
Aba’y ‘wag kalimutang dalhin-pabalik, mga bagong karunungang hitik.
Ano naman kasing mangyayari sa mga maiiwan, kung bawat Pinoy ay lilisan?
Anong maghihintay sa ating mga anak, kung bansa natin’y lalagapak?
Kaya hiling ko sa bawat mong paglalakbay, hawakan mo ang aming kamay.
Sabay-sabay tayong umagapay, isaayos ang ating buhay.
Kaya mga Noypi ngayon na, ‘wag nang ipagpabukas pa!

Ito ang taludturang may kalakip na panalangin para sa Perlas ng Silangan;
Ihanay muli ang ningning ng iyong kariktan sa tamang kinalalagyan.
Ito ang dagundong ng nag-aalab na damdamin para sa kinabukasan;
Dala ang kasagutan, at ang tamang kaparaanan:
Magbalik-loob sa Diyos, magbalik-loob sa Kalikasan;
Balikan ang kinang ng ating nakaraan!


* * *  Ito ang aking Lahok sa Kategoryang TULA ng 4th SARANGGOLA BLOG AWARDS  * * * 






Wednesday, October 3, 2012

Ako si McRICH, Laking MAKATI.



Ang sarap gumising sa agahang inihanda ni Inay: sinangag, pritong itlog at mainit-init na gatas.  O maaari ring pancit o lugaw o tsamporadong may evaporada. 
Ang sarap maligo tuwing bukang-liwayway: ang malamig na tubig mula sa dutsa, pipiliting ibuhos mula ulo hanggang paa.  Mangingisay ng bahagya ngunit ‘pag naka-naka’y ayos na.
Ang sarap humingi ng baon kay Inay:  tatlong bentsingkong duling.  Pambili ng tira-tira, sundot-kulangot o bazooka.
Kapag naman narinig ko na ang sipol mula sa mga kapitbahay at mga kalaro ko, kakaripas na ko ng takbo.  Hudyat ito na umpisa na naman ng kwentuhang walang kapararakan, palatak ng mga tawang walang kasing dalisay at paglulupagi sa daan na parang wala ng bukas.
Parang eksena sa nayon, ano?  Kung saan ang mga baka ay umiinom ng sariwang tubig at gumagala sa luntiang damuhan.  Parang buhay sa bukid.  Kung saan ang pamumuhay ay payak, at ang oras ay tumatakbong animo’y kasing bilis lamang ng pag-ikot ng  gulong sa karwaheng hinihila ng kalabaw.
Parang hindi Makati.
 * * * * *

Noong bata pa ako, malimit akong mapingot sa tainga ni Inay dahil hindi niya raw ako makutaptapan.  Bakit daw hindi ako mapundo sa bahay gayong napakaraming imisin?  Bakit daw sa araw-araw na ginawa ng Poong Maykapal ay napakarusing ko?  Kung sa amoy naman, aba naku, tinalo ko pa raw ang batang sinawsaw sa poso-negro at ibinabad sa ihi ng pusang mapanghi.
Anong magagawa ko?  E sadyang gala ako.  Batang-Makati.  Batang makati ang paa kahit walang alipunga. 
At saka, nasa Makati ako.  Sino ba naman, kahit sa mura kong edad, ang hindi magnanais galugarin ang isa sa pinakamaunlad na siyudad sa kalakhang Maynila, at sa buong Pilipinas?  Ang lugar ng mga nagtatayugang gusali at mga nakakasilaw na ilaw; mga humaharurot at naglalakihang bus, mga makukulay na jeepney at mga de-calibreng sasakyan; at mga naka-posturang lalaki’t babaeng handa nang pumasok sa kani-kanilang tanggapan.
 Ang lugar ng mga malls. 
* * * * *

Sabi nila, ang pag-unlad daw ay ang sama-samang pagpupunyagi para sa ikabubuti ng nakararami at, sa maraming pagkakataon, ang kasagutan sa napakatinding pangangailangan.  Tulad na lang ng pangangailangan sa walang habas na pamimili o paninindahan o ‘yung tinatawag na shopping.  Napakalaki ng pangangailangang ito na kung pagsasama-samahin ang lahat ng mga malls sa Makati ay maaari na itong hirangin bilang ika-34 na baranggay (at ang natatanging baranggay sa balat ng Pilipinas na de-aircon).  Ilan sa kanila ang mga sumusunod:  
Nariyan ang Glorietta 1-5 at Greenbelt 1-5 na sumusunod sa yapak ng Mano Po at Shake, Rattle & Roll.  Bakit kamo? Kasi naman, baka sa lalong madaling panahon, magkaroon pa ng Glorietta/Greenbelt 6 hanggang 13.   
At muli, dahil sa pangangailangan sa matinding paninindahan o shopping, ang dating planta naman ng kuryente ay ginawa ring mall, tinawag itong Power Plant Mall; ang paradahan ng mga oto na ginawang mall, tinawag na Park Square Mall; at ang mga sinehang ginawang mall, tinawag na Makati Cinema Square.
Sa palagay ko nga rin, at walang-takot-kong-prediksyon, na sa pagnananais sulitin ang paggamit sa mga silid-palikuran sa hinaharap, gagawin na rin itong mall. 
Ito ay tatawaging Comfort Room Mall.        
* * * * *

Maganda ang suportang ibinibigay ng pamahalaang lokal ng Makati sa kanyang mamamayan, lalong lalo na sa kabataan.  Mantakin mo, libre ang pag-aaral mula kindergarten hanggang kolehiyo!  Sa pribilehiyong ito, wala na akong makitang rason upang hindi makapagtapos ang isang Batang-Makati sa pag-aaral.  Kasi sa sipag at tiyaga, tiwala kay Bathala, at baon sa eskwelang nilaga, ay paniguradong abot-kamay na ang tugatog ng tagumpay!
Naalala ko tuloy noong panahon ko.  Produkto rin kasi ako ng pampublikong paaralan mula kindergarten hanggang high school.  Kung hindi pa nga ako nabigyan ng scholarship sa kolehiyo, marahil ay sa pampublikong kolehiyo pa rin ako nagtapos.  Na wala namang masama.  Wala naman sa eskwelahang pinag-aralan nasusukat ang tagumpay ng tao.  Nasa pinagdaanan ‘yan.  Sa mga natutunan sa mga pinagdaanan.  At kung paano gagamitin ang mga natutunan sa iyong pinagdadaanan.
Pero ano nga ba ang pinagkaiba ng mga estudyanteng nag-aaral sa pampubliko at pribadong paaralan? 
Sa karanasan ko, parang wala naman masyado.  Sa maraming pagkakataon kasing nakasalamuha ko ang ilan sa kanila, halos pareho lang naman. 
‘Yun nga lang, may mga kaklase silang sikat na artista.  Hatid-sundo ng mga magagarang oto.  Mga likas na inglesera at inglesero.  Kutis-mayaman. 
Ngunit bukod doon, wala man kaming artistang kamag-aral, wala man kaming oto, hindi man kami inglesera’t inglesero, may kutis man kaming hindi masyadong pangmayaman, pagdating naman sa mga timpalak tulad ng Makati Boys’ and Girls’ Week, sa Makati Brain Olympics o sa Ten Outstanding Students of Makati (TOSM), panigurado namang, hindi kami pahuhuli!
* * * * *

Mayroon pa pala akong nais idagdag sa itaas na isa rin sa mga obserbasyon ko.  Medyo pihikan pala ang mga susyal nating kaibigan sa pagkain.  Na wala namang masama.  E sa ganoong sirkumstansiya sila lumaki. 
Nakakapanghinayang lang, sa palagay ko, na hindi nila mararanasan sa tanang-buhay nila ang humigop, kumain at magpakabusog sa napakasarap na lugaw sa Lugawan  sa PRC. 
Samahan mo pa ng malutong na piniritong tokwa, espesyal na sawsawan, malamig na malamig na softdrink, ihip ng hangin na may kasamang alikabok, usok mula sa tambutso ng nagdaraang sasakyan, at hagikhik ng mga kabarkadang lumalantak din sa mainit-init na lugaw.   Solb.
Kung may ekstrang pera naman, pwedeng samahan ang tokwa ng piniritong baboy para maging tokwa’t baboy.  O kaya’y samahan ng okoy.  O kaya’y malutong na piniritong lumpiang toge.  Yum.
Mura na, mayaman pa sa protina at karbohidrato, siksik pa sa ligayang dala ng lugaw bilang isang comfort food.  Patunay ito na ang kaligayahan at pagkakontento sa buhay ay hindi nakasalalay sa dami ng salapi sa iyong bulsa. 
Kaya gawin nating simple ang buhay.  Tulad ng simpleng lugaw.
* * * * *

Isa na yata sa pinakasimpleng taong nakadaup-palad ko sa buong buhay ko ay ang dating Alkalde ng  Makati na si Jejomar “Jojo” Binay. 
Ang totoo, hindi ko siya nakausap ng pribado.  Ngunit sa pakikiharap niya at pagbibigay-oras na pakinggan ang nais naming sabihin ay sapat na upang maipakita niya sa amin kung anong uri ng pagkatao mayroon siya.  Kung naging istratehiya man niya ito, dahil alam niyang magiging botante rin kami pagdating ng araw, ay hindi na importante.  Ang mahalaga ay dahil sa kanyang kababaang-loob, hindi kagulat-gulat na siya ngayon ang pangalawa sa pinakamakapangyarihang pinuno ng ating bansa. 
Bilang bise-presidente, malayo na nga ang narating ng aming di-kataasan at di-kaputiang alkalde.  Hindi ko tuloy mapigil usisain kung naglalakad-lakad pa rin kaya siya sa bawat baranggay tuwing umaga?  Dumadalaw pa rin kaya siya sa mga pamilyang may namayapa upang makiramay? 
Kung oo, paano kaya niya ginagawa iyon sa mahigit 7,000 nating isla?  Sa mahigit na 95 milyong Pilipino? 
Ano’t ano pa man, kung naisin man niyang ambisyuning maupo bilang pangulo sa nalalapit na hinaharap, alam kong ang Pilipinas ay mapupunta sa isang taong may mabuting kamay. 
Kung sakali mang pagkatiwalaan siya ng buong sambayanan, alam kong gagawin niyang mala-Makati ang Pilipinas sa lalong madaling panahon. 
Hindi kayo naniniwala?  Walang imposible.
* * * * *

Ako si McRICH.  Laking Makati.  Batang-Makati.  Batang makati ang paa sa paglalakwatsa.  Batang makati ang kukoteng matuto.  Batang makati ang kamalayang mangarap, tumuklas at magpunyagi.   
Ang MAKATI.  Marikit.  Maunlad.  Pinagpala.
Kung ninais ko mang isalarawan ang Makati ayon sa aking narinig, nakita, naamoy, nalasahan at naramdaman, iyon ay sa pagnanais KOng marinig, makita, maamoy, malasahan at maramdaman rin NINYO ang MAKATIng humubog at nagpalaki sa akin. 
Nais ko ring maglakbay ang inyong kaisipan sa MAKATIng hindi na muling babalik at isa nang kabanata ng kahapon.  Malayo sa isang sakay ng jeep, ng taxi o ng MRT.  Malayo sa konting tipa at konting pindot ng teknolohiya. 
Malayo sa kung ano ang MAKATI sa ngayon.  Malayo sa kung ano AKO ngayon. 
Mas marikit.  Mas maunlad.  Mas pinagpala.


* * *  Ito ang aking LAHOK sa Kategoryang Blog - Sanaysay (Freestyle) ng 4th SARANGGOLA BLOG AWARDS  * * *