Bagets pa ako noong unang mag-abroad. Year 2001 pa ‘yon. 23 years old lang ako. Ang destinasyon: Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia.
The Oil Capital of the World. Ang numero unong destinasyon ng mga kababayan nating Overseas Filipino Workers (OFWs). At kung alahera ka, ang Land of Saudi Gold (na may mas mataas na turing kaysa karaniwang ginto)!
Tandang-tanda ko pa noon, hindi ako natakot. Ang lakas ng loob ko. Kinaya kong talikuran ang lahat. Nagpakatatag. Ganon yata talaga. Kasi ako'y in-love!
Magkaroon lang ba ng panghanda sa kasal --- na pinag-ipunan ko. Pang-down-payment man lang sa bahay --- na pinag-ipunan ko. Pansimula naming magsing-irog --- na pinag-ipunan ko.
Handa kong tiisin ang lahat ng lungkot, pagod, luha at pawis (dahil talaga namang tagaktakan tuwing summertime) para lang sa kanya.
Yun lang. Hindi na pala kami pareho ng goal. Iba na pala ang agenda n’ya. Dahil pagkatapos lang ng 6 na buwan, meron na pala siyang iba.
At sorry na lang ako. Iyon ang napala ko! Kung dati, ang tiniis ko lang ay lungkot, pagod, luha at pawis; nasamahan pa ‘yon ng uhog, eyebags at utang sa load!
Hanggang sa matapos ang dalawang taong kontrata ko... Hanggang sa pag-uwi ko ng Pinas... Umasa pa rin ako... Na sana... Magkabalikan pa kami.
Na sana ako si John Lloyd, s’ya si Bea. Na sana ako si Popoy, s’ya si Basha.
Gusto kong sabihin na: Mahal na Mahal ko s’ya; kahit ang sakit-sakit na. Na sana AKO pa rin. Na sana AKO na lang. Na sana AKO na lang ulit.
Pero hindi pala kami ang main characters ng One More Chance. Ang LOVE STORY pala namin, wala nang LOVE. Ang natira na lang, STORY.
At ang STORY naming minsa'y nag-DREAM at nag-BELIEVE, e hindi nag-SURVIVE.
Bigo man sa pag-ibig, bumalik naman akong IBANG-IBA sa dating ako.
Kaya ko palang mabuhay mag-isa, kahit malayo sa sariling pamilya at mga kaibigan; na madali lang pala magluto, maglaba, maglinis ng flat, ng room space, ng banyo at ng kusina; mamalantsa, mamalengke, alagaan ang sarili sa panahong may sakit (dahil wala akong aasahan kundi ako); at magtrabahong maraming gumugulo sa isip at mabigat ang dinadala sa dibdib.
Madali lang palang magtiis.
SUBOK ULIT
Sabi ulit sa One More Chance, kaya raw tayo iniiwan ng taong mahal natin ay dahil mayroong darating na mas magmamahal sa atin. Yung hindi tayo sasaktan at paaasahin. Siya yung taong magtatama ng lahat ng mali sa buhay natin.
Totoo pala 'yon.
2009. Natuto ulit akong mangarap. Pero sa pagkakataong ito, may katuwang na ako!
Dalawa na kami.
Nagbubuo ng pamilya. Kumakayod. Nag-iipon. Nagsasakripisyo. Nagtitiis sa bawat segundo, minuto, oras, araw at buwang hindi kapiling ang aming anak. Mahaba pa naman ang pagsasamahan namin. We still have a lifetime to explore.
Sa future na lang kami gagawa ng marami pang memories. Kaya konting tiis pa. Malapit na naman kaming umuwi. Uwing not just for GOOD, but for the BETTER.
Sa ngayon, ngiti-ngiti na lang muna. Nagto-thought bubbles: ng bahay na pinundar, ng sariling oto, ng kaunting ipon, maliit na negosyo.
Pwede na. Ang sarap.
‘Yung thought na kayo ‘yung nagpursige. Dalawa kayong nagtulong. ‘Yung hindi bigay lang ang inyong pangKabuhayan-Showcase. Na kayo ang nagbuo ng inyong House-and-Lot-Showcase.
Ang sarap.
Kaya kung tatanungin n’yo kami kung bakit kami umalis sa Pilipinas? Dahil sa lahat ng ito.
Dahil lahat kami, nangangarap. Dahil lahat kami, umiibig. We have a big heart. Hindi lang dalawa ang puso namin. Ang puso namin extends to the whole family. Mga magulang na kailangan ng sustento buwan-buwan. Mga kapatid na kailangan ng tulong. Mga pamangkin na pinag-aaral.
Minsan nga, kahit hindi namin ka-ano-ano, tinutulungan pa rin namin.
‘Yun kasi talaga KAMI. Lahat kaming OFWs. Ang PUSO namin --- PINOY.
GOING HOME
Ang AIRPORT: pinakamasayang lugar sa bansang pinagta-trabahuhan ng kahit sinong OFWs.
And if you will look around, lahat ng Pinoys, animated. May kanya-kanyang eksena. Lahat nakangiti. Lahat, ang saya-saya.
Pinoy na nagmamadali. Dala ang tatlong balikbayan boxes, isang backpack, isang shoulder bag at isang malaking stuffed toy. Kumapit ka! Kasi ang baggage allowance = 20-kg + 7-kg hand-carry.
Makakapasok kaya ang mga bagahe?
Aba syempre! Maaabilidad yata ang mga Pinoy. Lahat ng reject sa check-in baggage, pasok sa hand-carry. ‘Di lang magpapahalata. Dahil ang hand-carry, naging eksenang Ate Shawie (Pasan Ko ang Daigdig).
Mayroon namang nakaupo. Biglang tatagilid. Aanggulo. Isa-side ng kaunti ang pisngi. Hawak ang cellphone, itataas ang kamay. Sabay, FLASH! Instant photo. Pwede nang pang-FB.
Tapos magsa-shoutout: Now in the airport. Waiting to board. I am so excited. I just can’t hide it!
Obvious naman. Ikaw ba naman ang magpictorial sa airport ng walang humpay. Akala tuloy ng katabi n’ya, nag-seizure s’ya.
Pero walang problema. We understand. Moment mo ‘yan. Walang pakialaman.
Eto pa, mayroon yatang nag-aaway. Sumisigaw. Nagtatatalak. A, si Kabayan pala. May kausap sa cell phone. Pakisabi raw sa kanyang kapamilya, kapuso, kaibigan, ka-balitaan, kakampi, ka-eskwela, katambay at ka-bagang, na pauwi na s’ya.
And that they will paint the town, red. Very, very deep red!
Natakot ako. Manananggal 'ata si Ate. Dadanak daw ng dugo!
A, okay. Ibig sabihin lang pala, magkakaroon sila ng bonggang-bonggang party sa pag-uwi n'ya.
Pagtapos kong masaksihan ang iba't ibang eksena. Napagtanto ko, pare-pareho lang talaga kaming lahat, na sobrang miss na ang Pinas. At sana sa susunod, THIS IS REALLY IS IT na.
PAGBABAGO: The OFW Style
PAGBABAGO? Parang napakaseryosong topic. Parang komplikado.
Ang sagot: itodo na ang pagko-quote ng mga eksenang pang-TV at pang-pelikula. Tutal ang mga OFWs naman, lahat panatiko. Para madali ring ma-gets. Para lahat maka-relate. Let's make it simple na lang.
Ang Pagbabago, para lang 'yang eksena ni Nora Aunor sa pelikulang HIMALA: Walang himala. Ang himala ay nasa puso ng tao. Ang himala ay nasa puso nating lahat.
Katulad ng Himala, ang PAGBABAGO, dapat, nasa PUSO!
Para rin yang confrontation scene ni Bea at Maricris sa PBB Season 2: Ang respect hindi ini-impose, ini-earn yan.
Katulad ng Respect, ang PAGBABAGO ay HINDI INI-IMPOSE. Hindi pwedeng ipilit. INI-EARN. Dapat pinagtutulong-tulungan. Ini-effort. The natural way. Para walang pressure. Walang tensyon.
Kaya simple rin lang ang aming pangako sa bayan. Na pag-uwi namin, hindi kami magiging pasaway!
Hindi kami magiging pasaway dahil ang lahat ng OFWs ay masisipag. Matatalino.
Kaya nga kami gustong-gusto ng mga banyagang-amo. Resourceful daw. Magaling mag-multi-task. At laging may ngiti sa labi every minute, every hour.
At sayang naman kung hindi namin ia-apply ang mga natutunan namin sa mga laro ng buhay: Office Politics, Rat Race, Survival of the Fittest --- Naku, MINASTER at DINOCTORATE na namin ang mga 'yan!
Lastly, natutunan na rin kasi naming maging isang KAWAYAN:
That SWAYS gracefully with the wind. Able to ENDURE the changing weather. And NEVER, ever gets tired, to AIM for the endless sky.
O 'di ba? Kaya SIMPLE lang talaga ang solusyon:
Na ang PAGBABAGO, DAPAT MAGSIMULA sa AKIN!
Na ang PAGBABAGO, DAPAT MAGSIMULA sa IYO!
At TULUNGAN natin ang ating GOBYERNO!