Thursday, January 20, 2011

Bagong DADDY Series - PUBLIC or PRIVATE (Part 4)

From Google


Isang taon sa kindergarten.  Anim na taon sa high school.  Limang taon sa college.  Sumatutal na nag-aral pala ako ng labing-anim na taon.  Kumusta naman?  Asan na ba ko ngayon?  Eto buma-blog.  Nagmumuni-muni.  Nag-iisip tungkol sa papalapit na bakasyon.  Sana Feb na.
Masarap naman talagang mag-aral.  Maging scholar ka man ng magulang mo o kaya scholar ng bayan.  Libre baon.  Libre uniform (laba, plantsa minsan kinukula pa with matching almirol para matikas ang kwelyo).  Paggising sa umaga may breakfast na.  Pag-uwi, may hapunan naman.  Problema mo lang: homeworks, projects or exams.  At simple lang ang buhay.      
Kaya nga sa totoo lang, kung papipiliin ulit ako, gusto ko ulit mag-aral. 
Pero ayoko ng OA na aral.  Ayoko ng Masteral or PhD.  Gusto ko ‘yung aral na madali lang.  Saka yung mag-eenjoy ako.
Dati nga nag-aral ako ng Basic Decorative Candlemaking sa TLRC Pasig.  Totoo yon.  Meron pa nga akong certificate.  Eto yung panahong hindi pa masyadong sikat ang scented, floating at decorative candles.  Naaalala ko pa nga, gabi bago ako pa-Saudi, gumagawa pa ko ng orders.  Mag-a-Araw kasi ng Patay nyon.  Malakas ang benta.  ‘Yung ibang orders naman, gagamiting give-aways sa Pasko.  Kitam.  Nag-enjoy na ko, kumita pa ko.
Nag-aral din ako ng Basic French I & II sa UP Diliman.  Effort ang aral na ‘yon kasi anlayo.  Pagtapos ng trabaho sa Makati, lipad na agad ako sa QC.  2 semesters din yon.  E nagamit ko ba naman?  Syempre HINDI.  Sino naman ang kakausapin ko in French?  Basta ang alam ko, tinupad ko lang ang isa sa mga goals ko before turning 30.  Iyon ay to learn a new language.  Atlis ngayon marunong na kong mag-ABC in French, bumilang in French at kung anu-ano pang basics ng French.  At higit sa lahat nag-enjoy ako!
Sa bakasyon ngang ‘to, nagpa-reserve na ‘ko.  Meron ulit akong aaralin.  Exciting.  Problema ko lang pa’no ko magbabayad ng fees.  Kailangan kasing magbayad agad.  Kaya in-email ko na si Sir.  Sana ma-approve naman ang request ko.  Sana.
So saan nga ba namin balak pag-aralin si Caleb? 
Kung ako ang tatanungin, sa PUBLIC.  Marami namang magagandang public schools.  Maganda rin naman ang turo.  Tinututukan pa nga sila.  At habang bina-blog ko ang Part 1, Part 2, Part 3 and Part 4 na topic na ‘to, nakapagresearch na rin ako.
Sa kindergarten hanggang elementary, sa Muntinlupa Elementary School.  Sa high school naman, medyo nag-iisip pa kung sa Masay, Pisay o sa Musay.  Pero pinakamalamang sa Musay. Sa Tunasan lang, malapit sa amin.   Sa college depende sa course nya.  Pero sana sa UP Diliman.
Hindi naman namin balak magtipid.  Hindi lang namin ma-gets kung bakit kailangan magbayad ng sobra-sobra sa TF.  Wala naman sa school yan, nasa estudyante mismo.  Nasa suporta ng pamilya.  Nasa guidance ng magulang.  Pangako lang namin na ituturo namin ang lahat ng kaya namin sa kanya.  Hindi naman lahat natututunan sa school.  Sa palagay ko nga, mas marami kang matutunan pagka-graduate mo.
Ayaw din namin ng 1-time millionaire.  ‘Yung sa umpisa bonggang-bongga tapos sa huli dukha na.  Kawawa naman ang bagets.  Marami akong naging kaklase noon na galing sa private school tapos nauwi sa public.  Bakit?  Hindi ko alam.  
At hindi rin naman sa iyon ang mangyayari sa amin, pero ang gusto namin, yung moderation lang.  Yung tipong naka-public nga sya, pero pwede namin syang i-tour sa mga historical spots tulad ng Ilocos.  Nasa public nga sya pero pwede kaming pumunta ng MOA para sa Nido World of Discoveries.  Tapos pwede pa kami kumain sa Mann Yann bilang sidetrip. 
O kaya magManila Oceanarium para sa Biology class nya.  Ituturo ko pa sa kanya ang Kingdom, Phylum, Class, Order, Family, Genus at Species ng bawat laman-dagat na makikita namin.
Mahalaga ang edukasyon.  Pero hindi sa pagbibigay-edukasyon lang natatapos ang pagiging magulang --- hindi lang nung nakipag-date ang egg cell ni Mommy sa sperm cell ni Daddy, hindi lang sa paggabay hanggang lumaki, hindi lang sa pagbibigay ng masisilungan tuwing tag-ulan at kanlungan sa tag-araw, hindi sa pagpo-provide ng damit o sa paglalagay ng pagkain sa hapag-kainan.  At lalong hindi lang sa pagpapapasok ng bagets sa private or public school.  
Kaya para sa Caleb namin,  PUBLIC --- dahil gusto ko rin syang makitikim ng NUTRIBUN!    

Wednesday, January 12, 2011

Bagong DADDY Series - PUBLIC or PRIVATE? (Part 3)




Kindergarten hanggang 4th year hiskul --- public.  Pero sa sudden twist ng tadhana, naiba ang kapalaran ko.  Nagkaroon ata ng milagro.  Nananaginip ba ako?  Himala. 

Sa wakas, hindi na nagtipid si Inay.  Sa wakas, hindi ko na kailangan tumabling o kumandirit papuntang school.  Magdyi-jeep na ko.  Tapos LRT.  At pwede rin mag-bus.  Sa wakas, magkakaroon na rin ako ng ibang mundo.  Bagong syudad na mapupuntahan.  Mai-explore.  Tatanawin araw-araw.  Na magiging pangalawang tahanan ko sa susunod na 5 taon.  At higit sa lahat, sa wakas, tataas na rin ang baon ko! 
This is it!  This is really is it, is it (pahiram po Tanging Inang Ai Ai) --- PRIVATE!

Wala naman palang gaanong pagkakaiba.  

Pagkakaiba lang siguro, nagbayad ako ng mas malaki sa college dahil sa established na ang school na pinag-aralan ko.  Dahil siguro antique na ang building.  Pati teachers, antiques na.  More students, more fun.  More students, more energy.  More energy, mas happy.  Yun siguro ang basehan. 

Kunsabagay, kung ang artista nga may talent fee.  Syempre ang school di naman dapat magpahuli.  Syempre meron naman silang, tuition fee. Ganon talaga.  Lahat ng bagay sa mundo ngayon, may bayad. 
Pero sabi nga ng kakilala ko nung college.  Sa isang nugget of gold na natutuhan ko sa kanya.  Kuntil-butil na kaalaman na hanggang ngayon hindi ko malimutan.  Ang sabi nya:  "It is better to endure the hardships of education than to suffer the consequences of ignorance." 

Tumpak sya.  Korek with smiley.  Meron pang star.  Kaya sige na nga, e di magbayad.

Pero pasalamat talaga ako kay Lord.  Biniyayaan nya ko ng scholarships (with S, pero hanggang 1st year college lang.  Nung 2nd-5th year, isa na lang natira hihi).  Bunga siguro ng pagpupunyagi mula kindergarten hanggang hiskul --- sa mga gabing nagpupuyat para makagawa ng assignments (at manood ng TV), research sa iba't ibang educational institutions (at gala sa Ayala) at sa mga di-mabilang na pagsusunog ng kilay sa araw-araw (at pagtambay sa mga bahay ng mga kaibigan araw-araw).  

Ewan ko ba.  Nung panahon ata namin nagsimulang gawing negosyo ang iskwelahan.  Kami ata kasi ang batch sa history ng school namin na nagsimulang mag-increase ang TF every year.  Bakit kami pa ang inabutan.  Andaya naman ng mga previous batches.  Malas ata. 

Pero ako hindi minalas.  Scholar e.  Kahit tumaas o bumaba ang TF, covered.  Kaya nga Lord, thank you ha.  Ambait mo talaga sa akin.  Simula noon.  Hanggang ngayon.  Ambait mo talaga :)  

Di na ko magke-kwento tungkol sa buhay-college ko.  Ang masasabi ko lang, madami akong natutunan.  May mga mabuti.  Yung iba, hindi ganon kabuti.  Lahat siguro experience.  Part of growing up.  Kabuuan ng kung ano ako ngayon. 

Ewan ko, kahit nga lola ko natakot baka hindi raw ako makatapos.  Feeling kasi nila nag-iba ako.  Hindi naman.  Nagmature siguro.  Nag-broaden ang pananaw.  Pero isa pa rin ang goal.  Yun e ang makatapos.  So after 5 years, ayun na.  Graduate na.

Swerte ba ko na makatapos ng pagka-Inhinyero Kemiko kahit pakiramdam ko ay parang naglaro lang ako nung college?  Abnormal ba ko na parang halos lahat na lang ng classmates ko kinakabahan samantalang ako hindi? 

Ewan ko pero nung panahong yon, confident ako.  Alam ko makakatapos ako.  Magma-martsa ako sa PICC.  Kakanta ako ng Mapua Alma Mater song.  Kahit hindi ko talaga saulo ang tono.  Ihahagis ko rin ang toga ko.  Tapos hahanapin kung saan napunta.  Magkakaroon ako ng diploma.  Tapos ipapaskil ng Nanay ko sa dingding ng bahay namin.  5 years of college --- walang labis, walang kulang.  

Pero ito ang alam ko.  Hindi ako swerte.  I am more than swerte.  I am BLESSED.  And I had, FAITH!

Tuesday, January 4, 2011

Bagong DADDY Series - PUBLIC or PRIVATE? (Part 2)

From Google



Eto na nung hiskul. 

Syempre galing-galingan ang labanan kasi nga nasa Pilot class.  Dapat aktibo sa academics pati na sa extra-curricular.  Dapat kasali sa lahat ng clubs.  Kung hindi ka man officer, atlis supporting aktor man lang bilang member.  At kung hindi pa rin kinaya ng powers mo na maging member, kahit cameo role na lang bilang madlang pipol (a.k.a. taga-palakpak sa program)  Pandagdag na rin sa bio-data yon ika nga.  Designation:  Attendee.

At isa nga sa mga di ko malilimutang sandali nung hiskul e yung pinadala kami sa Makati Boys and Girls Week. 2-representatives lang dapat per school pero dahil malakas yata ang iskul namin sa City Hall, 4 kaming pinadala.

Pamilyar na naman kami sa mga ibang hiskuls sa Makati.  Syempre uniform pa lang alam mo na agad kung saan nag-aaral.  Siguro yung iba na-meet na rin namin sa ibang out-of-school-activities, di lang namin siguro na-meet ng personal.  At di rin siguro kami close.  Pero etong event na to, exclusive lang talaga sa Private & Public High Schools ng Makati.

Mula sa Public Schools:  Pamantasan ng Makati, Makati High School, Fort Bonifacio High School at Makati West High School. 

Mula naman sa Private Schools:  Don Bosco Technical Institute, Colegio Sta Rosa, Colegio San Agustin, Pio del Pilar High School, Saint Paul-Makati, International School-Makati at Guadalupe Catholic School. 
(Hmmm, ngayon ko napagtanto na marami palang mayaman sa Makati, kasi mas marami ang Private schools.  At mahirap lang pala kami hahaha.  O maaari din namang --- wais lang si Inay!)

Araw-araw sa Boys & Girls Week ay BIBO Day.  Syempre taas ka ng kamay para magtanong ng pertinent questions.  Sulat-sulat para kunwari naiintindihan ang lectures.  Participate sa mga workshops and discussions.  Cheerful Smile of the Day sa mga guests and co-delegates.  Lahat ng to, para itaas ang bandera ng kanya-kanyang hiskul. 

Wala namang masyadong difference between private and public hiskul students.  Intellectually, patas lang naman.  Socially, ah, medyo don nagkaiba.   

Kung jeep ang mode of transport ng mga taga-public, sundo't hatid naman ng oto ang mga taga-private.  Kung offeran ng bayad ang mga taga-public pag may nakasabay kang delegate sa jeep, offeran naman ng ride sa mga taga-private.  At dahil nagdyi-jeep nga lang, pawisan at haggard ang mga taga-public.  Ang delegates ng private naman, laging fresh at mabango.

Tapos eto pa.

Isang tanghalian,  habang sinisibasib namin ang aming packed meal na bigay-handog ng City Hall.  May isang taga-Colegio Sta. Rosa na nadismaya dahil may dugo pa daw yung fried chicken sa packed meal nya.  Kami naman napa-yeah, mine too!  (Kahit na buto na lang ang natira at gusto pa pangasin pati buto.)  Ang iba naman napa-owwwmygas with laki-ng-mata.  

Dahil don, nagkayayaan magConey Island Ice Cream Parlor.  Pangtanggal umay ba.  Syempre go lahat.  Order.  Ang mga taga-public, umorder ng 1 scoop sa sugar cone.  Di lang basta apa, sugar cone apa pa.  Para sosyal.  E ang mga taga-private, kumapit ka, ayaw talaga patalo.  Umorder --- Banana Split with Extra Hersheys Choco and mixed sugar sprinkles on top. O ano na?  Syempre kunwari di napansin.  Dila-dila na lang ng ice cream sa matamis na apa.  Baka kasi matunaw.  Sayang. 

Nung panahong yon, uso ang gag show na Ang TV.  Kaya nung yon ang naging topic sa isang kwentuhan session syempre bibo-bibohan na naman ang lahat.  Payong Kaibigan ni Jolina.  Kantahan nina Roselle Nava-Lindsay Custodio-Jan Marini-Rica Peralejo.  Paramihan ng alam na jokes.  Umelib sa sayaw ni Gio Alvarez o ni Jao Mapa o ni Victor Neri.  Tapos nagpa-piktyur pa nga kme ng naka-NGEEE

Maayos ang lahat ng biglang umentra naman ang taga-Colegio San Agustin.  Classmate daw nya si Gio Alvarez.  Si Gio daw nanliligaw kay Roselle Nava. 

OK fayn.  Kayo na ang may classmate na celebrity!

Monday, January 3, 2011

Bagong DADDY Series - PUBLIC or PRIVATE? (Part 1)

From Google


Isa pa sa mga iniisip ko sa ngayon:

Saan ba dapat pag-aralin ang aming bagets --- sa Public School ba or sa Private School?

Nung kinder ako hanggang elementary, pinag-aral ako ng magulang ko sa Hen. Pio del Pilar Elementary School sa Makati. 

Isang public school

Hindi ko alam kung nagtitipid lang ba sila o dahil malapit lang ang school na yon sa amin.  Walking distance lang kasi.  Yung tipong ilang tumbling lang e andon na ko sa iskul at pwede na kong magtaas ng kamay sabay sabing "Ma'am, present!"

Maganda ang iskul namin.  Modern, kahit circa 80s pa yon.  Kumpleto sa facilities dahil alaga ng Makati government. 

Meron pa nga kaming canteen na pwedeng sumayd-line ng paghuhugas ng plato para sa extra money (Ngayon nga e napapangiti ako dahil sa mura ko palang edad e rumaraket na ko para may extra baon.  E anong edad ko lang nyon, 8 or 9, di ko na matandaan).

May napakahabang library, complete with auditorium.  Magandang stage para sa flag ceremony at kalisteniks.  Garden para sa tanim-tanim lessons, shop para sa wood-working.  Clinic at guidance office.  Meron pa nga kaming music and arts room na kumpleto ng mga etnik instruments.  Tapos, we had the whole ground floor for PE.  (Ngayon I heard e meron na ring gym.  Built on top of the library.)

Tapos nung Grade 4 ako, nagtransfer naman kami sa Iloilo kaya lumipat din ako ng iskul.  As usual, mga sampung kandirit lang e andon na ko sa Balasan Elementary School. 

At as usual, sa public school ulit ako nag-aral.  (Mukha ngang nagtipid ang mga magulang ko haha). 
Pero hindi rin kami nagtagal don kaya after 6 months e balik Makati kami.

Maganda ang turo sa amin.  Kaya nga nung magha-hiskul ako e umepal ako sa magulang ko at sinabing mag-aaral ako sa Pamantasan ng Makati. 

Isa namang public high school.

At dahil umepal ako e ako na lahat nag-ayos ng mga requirements:  Brgy. Certificates, GMC certificate, Form 138 (Report Card) at Form 137 (Transcript of Records).  Hindi naman naging mahirap ayusin lahat ng mga requirements kasi kasabay ko naman ang iba kong classmates and friends. 

Nung kumpleto na kami sa requirements, punta na agad kami sa PnM para naman makapagpa-sched ng exams.

Eto pa ang siste:  lahat naman ng makakapasa sa entrance exam will be admitted.  Pero para sa Top 100 examinees, may chance na mapabilang ka either sa Pilot Class (Section A) or Section B.  Pero dadaan muna kayo sa next stage!

Ang next stage:  interview with matching talent portion! 

Di ko na maalala kung ano ang mga tinanong sa akin.  Basta ang naaalala ko, umawit ako sa talent portion habang yung isang ini-interview e sumasayaw naman.  Tapos yung isa, nagdo-drawing naman ng puno.  
At muli, kung isa ka sa mga mapalad na pumasa sa interview portion, duguan ka naman sa pinakahuling stage --- ang Final Exam!

To cut the mahabang story short, pumasa naman ako sa lahat ng pagsubok at nakapasok ako sa Pilot Class.
At opo, pumasa din ang mananayaw pati ang drawer :)