Wednesday, October 3, 2012

Ako si McRICH, Laking MAKATI.



Ang sarap gumising sa agahang inihanda ni Inay: sinangag, pritong itlog at mainit-init na gatas.  O maaari ring pancit o lugaw o tsamporadong may evaporada. 
Ang sarap maligo tuwing bukang-liwayway: ang malamig na tubig mula sa dutsa, pipiliting ibuhos mula ulo hanggang paa.  Mangingisay ng bahagya ngunit ‘pag naka-naka’y ayos na.
Ang sarap humingi ng baon kay Inay:  tatlong bentsingkong duling.  Pambili ng tira-tira, sundot-kulangot o bazooka.
Kapag naman narinig ko na ang sipol mula sa mga kapitbahay at mga kalaro ko, kakaripas na ko ng takbo.  Hudyat ito na umpisa na naman ng kwentuhang walang kapararakan, palatak ng mga tawang walang kasing dalisay at paglulupagi sa daan na parang wala ng bukas.
Parang eksena sa nayon, ano?  Kung saan ang mga baka ay umiinom ng sariwang tubig at gumagala sa luntiang damuhan.  Parang buhay sa bukid.  Kung saan ang pamumuhay ay payak, at ang oras ay tumatakbong animo’y kasing bilis lamang ng pag-ikot ng  gulong sa karwaheng hinihila ng kalabaw.
Parang hindi Makati.
 * * * * *

Noong bata pa ako, malimit akong mapingot sa tainga ni Inay dahil hindi niya raw ako makutaptapan.  Bakit daw hindi ako mapundo sa bahay gayong napakaraming imisin?  Bakit daw sa araw-araw na ginawa ng Poong Maykapal ay napakarusing ko?  Kung sa amoy naman, aba naku, tinalo ko pa raw ang batang sinawsaw sa poso-negro at ibinabad sa ihi ng pusang mapanghi.
Anong magagawa ko?  E sadyang gala ako.  Batang-Makati.  Batang makati ang paa kahit walang alipunga. 
At saka, nasa Makati ako.  Sino ba naman, kahit sa mura kong edad, ang hindi magnanais galugarin ang isa sa pinakamaunlad na siyudad sa kalakhang Maynila, at sa buong Pilipinas?  Ang lugar ng mga nagtatayugang gusali at mga nakakasilaw na ilaw; mga humaharurot at naglalakihang bus, mga makukulay na jeepney at mga de-calibreng sasakyan; at mga naka-posturang lalaki’t babaeng handa nang pumasok sa kani-kanilang tanggapan.
 Ang lugar ng mga malls. 
* * * * *

Sabi nila, ang pag-unlad daw ay ang sama-samang pagpupunyagi para sa ikabubuti ng nakararami at, sa maraming pagkakataon, ang kasagutan sa napakatinding pangangailangan.  Tulad na lang ng pangangailangan sa walang habas na pamimili o paninindahan o ‘yung tinatawag na shopping.  Napakalaki ng pangangailangang ito na kung pagsasama-samahin ang lahat ng mga malls sa Makati ay maaari na itong hirangin bilang ika-34 na baranggay (at ang natatanging baranggay sa balat ng Pilipinas na de-aircon).  Ilan sa kanila ang mga sumusunod:  
Nariyan ang Glorietta 1-5 at Greenbelt 1-5 na sumusunod sa yapak ng Mano Po at Shake, Rattle & Roll.  Bakit kamo? Kasi naman, baka sa lalong madaling panahon, magkaroon pa ng Glorietta/Greenbelt 6 hanggang 13.   
At muli, dahil sa pangangailangan sa matinding paninindahan o shopping, ang dating planta naman ng kuryente ay ginawa ring mall, tinawag itong Power Plant Mall; ang paradahan ng mga oto na ginawang mall, tinawag na Park Square Mall; at ang mga sinehang ginawang mall, tinawag na Makati Cinema Square.
Sa palagay ko nga rin, at walang-takot-kong-prediksyon, na sa pagnananais sulitin ang paggamit sa mga silid-palikuran sa hinaharap, gagawin na rin itong mall. 
Ito ay tatawaging Comfort Room Mall.        
* * * * *

Maganda ang suportang ibinibigay ng pamahalaang lokal ng Makati sa kanyang mamamayan, lalong lalo na sa kabataan.  Mantakin mo, libre ang pag-aaral mula kindergarten hanggang kolehiyo!  Sa pribilehiyong ito, wala na akong makitang rason upang hindi makapagtapos ang isang Batang-Makati sa pag-aaral.  Kasi sa sipag at tiyaga, tiwala kay Bathala, at baon sa eskwelang nilaga, ay paniguradong abot-kamay na ang tugatog ng tagumpay!
Naalala ko tuloy noong panahon ko.  Produkto rin kasi ako ng pampublikong paaralan mula kindergarten hanggang high school.  Kung hindi pa nga ako nabigyan ng scholarship sa kolehiyo, marahil ay sa pampublikong kolehiyo pa rin ako nagtapos.  Na wala namang masama.  Wala naman sa eskwelahang pinag-aralan nasusukat ang tagumpay ng tao.  Nasa pinagdaanan ‘yan.  Sa mga natutunan sa mga pinagdaanan.  At kung paano gagamitin ang mga natutunan sa iyong pinagdadaanan.
Pero ano nga ba ang pinagkaiba ng mga estudyanteng nag-aaral sa pampubliko at pribadong paaralan? 
Sa karanasan ko, parang wala naman masyado.  Sa maraming pagkakataon kasing nakasalamuha ko ang ilan sa kanila, halos pareho lang naman. 
‘Yun nga lang, may mga kaklase silang sikat na artista.  Hatid-sundo ng mga magagarang oto.  Mga likas na inglesera at inglesero.  Kutis-mayaman. 
Ngunit bukod doon, wala man kaming artistang kamag-aral, wala man kaming oto, hindi man kami inglesera’t inglesero, may kutis man kaming hindi masyadong pangmayaman, pagdating naman sa mga timpalak tulad ng Makati Boys’ and Girls’ Week, sa Makati Brain Olympics o sa Ten Outstanding Students of Makati (TOSM), panigurado namang, hindi kami pahuhuli!
* * * * *

Mayroon pa pala akong nais idagdag sa itaas na isa rin sa mga obserbasyon ko.  Medyo pihikan pala ang mga susyal nating kaibigan sa pagkain.  Na wala namang masama.  E sa ganoong sirkumstansiya sila lumaki. 
Nakakapanghinayang lang, sa palagay ko, na hindi nila mararanasan sa tanang-buhay nila ang humigop, kumain at magpakabusog sa napakasarap na lugaw sa Lugawan  sa PRC. 
Samahan mo pa ng malutong na piniritong tokwa, espesyal na sawsawan, malamig na malamig na softdrink, ihip ng hangin na may kasamang alikabok, usok mula sa tambutso ng nagdaraang sasakyan, at hagikhik ng mga kabarkadang lumalantak din sa mainit-init na lugaw.   Solb.
Kung may ekstrang pera naman, pwedeng samahan ang tokwa ng piniritong baboy para maging tokwa’t baboy.  O kaya’y samahan ng okoy.  O kaya’y malutong na piniritong lumpiang toge.  Yum.
Mura na, mayaman pa sa protina at karbohidrato, siksik pa sa ligayang dala ng lugaw bilang isang comfort food.  Patunay ito na ang kaligayahan at pagkakontento sa buhay ay hindi nakasalalay sa dami ng salapi sa iyong bulsa. 
Kaya gawin nating simple ang buhay.  Tulad ng simpleng lugaw.
* * * * *

Isa na yata sa pinakasimpleng taong nakadaup-palad ko sa buong buhay ko ay ang dating Alkalde ng  Makati na si Jejomar “Jojo” Binay. 
Ang totoo, hindi ko siya nakausap ng pribado.  Ngunit sa pakikiharap niya at pagbibigay-oras na pakinggan ang nais naming sabihin ay sapat na upang maipakita niya sa amin kung anong uri ng pagkatao mayroon siya.  Kung naging istratehiya man niya ito, dahil alam niyang magiging botante rin kami pagdating ng araw, ay hindi na importante.  Ang mahalaga ay dahil sa kanyang kababaang-loob, hindi kagulat-gulat na siya ngayon ang pangalawa sa pinakamakapangyarihang pinuno ng ating bansa. 
Bilang bise-presidente, malayo na nga ang narating ng aming di-kataasan at di-kaputiang alkalde.  Hindi ko tuloy mapigil usisain kung naglalakad-lakad pa rin kaya siya sa bawat baranggay tuwing umaga?  Dumadalaw pa rin kaya siya sa mga pamilyang may namayapa upang makiramay? 
Kung oo, paano kaya niya ginagawa iyon sa mahigit 7,000 nating isla?  Sa mahigit na 95 milyong Pilipino? 
Ano’t ano pa man, kung naisin man niyang ambisyuning maupo bilang pangulo sa nalalapit na hinaharap, alam kong ang Pilipinas ay mapupunta sa isang taong may mabuting kamay. 
Kung sakali mang pagkatiwalaan siya ng buong sambayanan, alam kong gagawin niyang mala-Makati ang Pilipinas sa lalong madaling panahon. 
Hindi kayo naniniwala?  Walang imposible.
* * * * *

Ako si McRICH.  Laking Makati.  Batang-Makati.  Batang makati ang paa sa paglalakwatsa.  Batang makati ang kukoteng matuto.  Batang makati ang kamalayang mangarap, tumuklas at magpunyagi.   
Ang MAKATI.  Marikit.  Maunlad.  Pinagpala.
Kung ninais ko mang isalarawan ang Makati ayon sa aking narinig, nakita, naamoy, nalasahan at naramdaman, iyon ay sa pagnanais KOng marinig, makita, maamoy, malasahan at maramdaman rin NINYO ang MAKATIng humubog at nagpalaki sa akin. 
Nais ko ring maglakbay ang inyong kaisipan sa MAKATIng hindi na muling babalik at isa nang kabanata ng kahapon.  Malayo sa isang sakay ng jeep, ng taxi o ng MRT.  Malayo sa konting tipa at konting pindot ng teknolohiya. 
Malayo sa kung ano ang MAKATI sa ngayon.  Malayo sa kung ano AKO ngayon. 
Mas marikit.  Mas maunlad.  Mas pinagpala.


* * *  Ito ang aking LAHOK sa Kategoryang Blog - Sanaysay (Freestyle) ng 4th SARANGGOLA BLOG AWARDS  * * *







21 comments:

  1. Ayos idol, isa na namang obrang kahanga-hanga.. may laban to!

    ReplyDelete
  2. ayos ang kwento! ganyan pala kayo sa makati hehehe. Good luck :D

    ReplyDelete
  3. Asus unang sentence pa lang naisip ko na agad, Ahh, entry ito! Ikaw na ang batang Makati! Ang kati mo LOL biro lang. Good luck sa iyong entry at sana manalo ka para makaisip ka uli magpa-grand eyeball dahil hindi ako nakaattend nung unang beses.

    ReplyDelete
  4. sabi na e,pang sba. format palang ng title malalaman na.

    gusto ko tong salihab yung freestyle kaso di ko kabisado lugar namins. hahah

    ReplyDelete
  5. Tama ka tungkol kay Bise Binay, sabi ng brother in law ko:)

    ReplyDelete
  6. Pasok ka laking Makati! Galing McRich! Good luck :)

    Ako taga Antipolo, pero minsan makati! Char lang! :)

    ReplyDelete
  7. Isang makabuluhang paglalahad sa lupang iyong tinubuan!

    Goodluck po muli sa iyong SBA entry :)

    ReplyDelete
  8. ang galing!laking mkati ka pala! Goodluck dito sir!


    jayrulez

    ReplyDelete
  9. aba pang apat na atang entry na nkita ko to ahh nice nice nman good luck dn sayo

    ReplyDelete
  10. Ang lalim ng tagalog! Ano yung dutsa at makutaptapan?

    Nalalayuan ako sa Makati, kaya hindi pa ko nakapunta ng Glorietta o Greenbelt..

    Galing! Good luck batang Makati! :D

    ReplyDelete
  11. mabuhay sa entry mo na ito kuya!

    nabigyan mo ako ng ibang view tugkol sa makati. nung bata kasi ako akala ko mga foreigners at mayayamang tao lang nakakatira sa makati. pero nung nakagala na ako doon madalas, sadyang marami lang talagang establishments nang nandyan. saka mas pagkakatiwalaan mo ata ang company na ang office ay nasa makati.

    ang sarap mamuhay ng simple lalo na kung nakasanayan mo ito. Mabuhay sa mga produkto ng public school, isa na ako roon!

    ReplyDelete
  12. galing naman. sobrang may laban. thumbs up! good luck sa entry!=D

    ReplyDelete
  13. Nahirap ako ang lalim ng tagalog mo! pero goodluck sa entry mo!

    ReplyDelete
  14. nosebleed ako sa tagalog. hehehe

    just me,
    www.phioxee.com

    ReplyDelete
  15. Dapat gawin na ding Shopping Capital of the Philippines ang makati.. hehehe

    Isa sa mga paburito kong entry ito . Malaman at may puso :)

    Apir!

    ReplyDelete
  16. naalala ko tuloy yung ad ni binay *with matching voice over* "Sa Makati..." LOL :))

    ok susubok sana akong ng sanaysay pero baka masupalpal lang me..wehehe

    Good luck ser rich!!! ^____^

    ReplyDelete
  17. HUWAW! Panalo ka na naman dito McRich!

    ReplyDelete

Alam mo bang ang KOMENTO mo ang POWER ko?